Image

isa na akong kabaranggay, bago pa man naging uso ang baranggay Ginebra.

sa isang lumang photo album merong isang litrato na nakahawak ako sa isang ring na pinako ng lolo ko sa poste.

dalawang taong gulang ata ako nun . mahalaga yun sa akin. kasi yung bola ko nun eh lobo, minsan tennis ball, o kaya maliit na bola. dun ako unang natuwa sa pagbato, kahit kapos para lang maka “shoot” pag sasabihin ng lolo ko na, “shoot the ball Nigel!” pasikat naman ako.yung board at ring na yun, kulay dilaw, tapos nakasulat, TOYOTA 7.  at sa mumunting edad ko nun eh pag sinasabi ko “lolo what it say?” sasabihin nya, “Jaworski”. di ko mabuo buo nun ang pangalan na yun, sinasabi ko “jawoki” sumisigaw ako ng “jawoki!” pag nashoshoot yung bola. mula nuon, na-associate ko na ang saya ng paglalaro ng basketball kay Jawoki, hangang sa matuto akong buuhin ang pangalan ni idol na Jaworski.

Image

Pangarap ng nanay ko na sumunod ako sa yapak ni Felix Barrientos. sino yun? isa syang manlalaro ng tennis. dinadala pa ako ni ermats sa tennis court sa opisina nya sa MWSS para magaral mag tennis. kaso wala talaga eh, iba talaga hilig ko.maski nung pinag aral ako sa probinsya. basketball paggising bago pumasok, maski umuulan, basketball pag uwian ng lunch time, tapos basketball ulit sa hapon. minsan si lola umuwi galing palengke meron binigay sa ain na mumurahing short pants, minahal ko ng todo, porke’t merong numero syete na nakatahi sa gilid. suot suot ko yun hangang masira na sa kakagamit. pag summer at nagbabakasyon kami sa maynila bumibili ako ng litrato ni Jawo at mga iba pang ginebra/anejo players  sa mga over pass. yung isa pa nga,  pinirmahan ko sa likod. to Nigel from Jaworski #7, para ipasikat pagbalik ng probinsya. jusme, para namang may maloloko ako sa mala kahig ng manok kong sulat. pati sapatos nun, kahit uso ang mighty kid, kaypee ang sapatos na gusto ko, kasi yun ang sapatos ni Jawo.

Pag umuuwi lang ako ng manila pag bakasyn ako nakakapanuod ng basketball sa TV, kadalasan nung elementary eh nakikipag agawan ako sa pagkuha ng dyaryo sa tindahan para lang mauna akong makabasa ng score ng laro sa PBA sa inquirer. ganun ako kaadik nun.

tumataya lang ako ng ending pag ginebra ang naglalaro, at sa minsan na nanalo ako ng ending pero natalo naman ang ginebra, halos ayoko nang kunin yung pera. kung meron mang steady lang sa buhay ko mula namulat ako hanggang sa kolehiyo, si jawo yun, at ang ginebra. biruin mo, mula 1984 hanggang 1998?

1988 all filipino conference. lahat sa bahay sa kamuning maka purefoods, tinitilian sina Patrimonio,Codinera at Lastimosa. ako lang ata ang maka Anejo nun. ako pa pinakabata, kaya inaasar nila ako, pag lamang ang anejo ililipat ang channel. yung TV pa yun na black and white tapos de-pihit yung channel. grabe sigaw ko nun! akalain mo, champion! paborito ko nung iniinterview n Romy Kintanar ata yun, si Jawo, puro sya puri, sa diyos, sa team, sa fans. lagi nyang binabalikbalikan paulit ulit, para to sa lahat ng sumuporta sa amin, yun ang tumatak sa akin. sa hirap ng buhay nung mga panahon na yun, kudeta, brownout, at kung ano ano pa, basketball ang libangan ng bawat bahay, Anejo ang koponan ng masa, at si jawo ang hari at poon ng relihyon na basketball. Never say Die ang koro.

 

1991, highschool na ako nun, open conference, Ginebra na ulit ang pangalan ng koponan, kalaban sina Paras,Magsanoc at Parks.

3-1 na ang score ng serye. lahat ng tao sinasabing inutil  ang Ginebra, talo na to, wala na to. iyak na lang ulit. Colored na ang TV namin nun, may remote control pa. ako lang na naman ang nanalig at naniwala, puro kutya at asar ang inaabot ko. game 5 panalo! chamba daw, game 6 panalo ulit! luto daw. game 7….DISTRITO!!!!!!!! alahoy na tira, pasok! champion! muling nadagdagan ang tinatawag na nila nuong, Jaworski mystique. sinong magaakala? sino nga ba?  pagkatapos ng laro nagiinuman sa labas ng bahay ang mga tito ko, at dahil paos na ko at masakit ang lalamunan kakasigaw, nakiinom ako ng akala kong tubig. ang unang alak na natikman ko at nalunok at lumabas sa ilong ko? ano pa nga ba kundi Ginebra?

taong 92 at 93, walang magawang matino ang Ginebra. paano mo idadraft si Vic Pablo tapos ipagpapalit mo lang kay Manny Victorino at Ponky Alolor??? 1994 nung nadagit natin si Noli “the tank” Locsin sa draft, pero kadalasan, olats pa din. alala ko nun nasa chem pavilion ako ng UP, may higanteng mama na dumaan, si EJ Feihl, suot pa ang kanyang Adamson na jacket, matangkad nga, kaso bano. nanalangin ako nung draft day. sana si duremdes! wag si feihl! kaso sabi ni Jawo hindi daw araw araw kng makakadraft ng 7 footer. may isa pang draft pick ang ginebra pagtapos kunin si Feihl, kaso ang pinili… si DODOT?????!!! patay tay jan! Image

parang bangungot sa isang ginebra fan ang makita sina Feihl at Jaworski jr. sa starting 5. lagi tayong olats nun. olats din ako nun sa pansariling buhay.nag AWOL ako sa UP pero kunwari pumapasok pa ako at kadalasan, nakikipaglaro ng basketball pustahan sa mga dorms. tambay sa org, nagkagelpren….   dun na lang dinadala ang asar sa Ginebra. buti na lang dumating ang 96, si Marlou si Bal at ang pagdagdag nina Pido, si Vince the prince at si Mr. instant offense Jayvee Gayoso. di man nag champion nung taon na yun, binura naman ang bangungot ng 95.

Ang sarap maging Ginebra fan nung panahon ng 1997-98, kahit may ugong ugong na tatakbong senador na si Jawo, ang sarap panuorin ng Ginebra nun! Aquino sa gitna, Locsin Hizon sa forward, Bal david sa point, at….. tae… si dudot sa Dos. pero pag andyan na sina jarencio, cheng,ong saldana gayoso, at nasa bench ulit si dodot, ang saya!patayan ang laban. minsan at sa huling beses pa magchachampion ang gin Boars, tinalo nila ang Alaska, 4-2, at kahit anong sigaw ng mga fans ng jaworski! jaworski! ay ndi na tinanggal ni jawo yung twalya sa balikat nya, di na sya pumasok sa laro. si Dodot lang ang kaway ng kaway sa bench, feeling nya sya yung sinisigaw?Image

Aaminin kong pag retiro ni Jawo para sumabak sa pulitika eh unti unti na ding nawala ang gana ko sa PBA.bukod sa pagkakaroon na ng cable at pwede ka na manuod ng NBA, eh kelangan na din magtapos ng pagaaral at magtrabaho. oo andyan pa din yung susulyap sulyap ka pag naglalaro, may trabaho na ko kaya kaya ko nang bumili ng ticket para manuod ng live, pero nakakawalang gana kasi palipat lipat na ng mga players, kada conference, may trade, may bago, tapos mawawala ulit sa susunod na taon. yung rigodon ng  coaching staff, yung kaartehan ng mga manlalaro, ndi na old schol ginebra  yung timpla, yung gin bilog na dating hinahalo mo sa gin pomelo, eh napalitan ng Gin Blue, parang ganun pa din ang itsura at lasa, pero nawalan ng tapang. nawalan ng lakas. hindi ko na nga mabilang ilan sa mga naglalaro sa PBA ngayun ang dating player ng Ginebra, halos kalahati na ata. bunsod din kasi ito ng pag acquire ng sister teams, etc etc mejo pumangit na sa panlasa ko ang PBA. hanggang sa mapadpad sa ginebra si The Fearless Ronald Tubid.

Walang sinasanto, may angas sa katawan na puro tattoo, scorer, pangasar, defensive stopper,mautak, magulang. andaming asar sa kanya, pero sa barangay, tanggap na tanggap sya. sa tingin ko, sya lang nun ang nagbigay buhay ulit sa never say die mantra ng Gin Kings. Image

OO na, andun na sina MC47, jayjay, menk, at kung sino sino pa, pero si Tubid? may gusto kang masira ang laro? ngingitian lang ni Tubid sa depensa, mapipikon na yung bantay nya. kelangan mo ng kukuha ng offensive foul? buwis buhay sa pagslide para isakripisyo ang katawan. hustle player, throwback player sa panahon nina distrito at gonzalgo, sumunod kay jawo sya na yata ang pinaka paborito kong player. nagchmpion ulit sila, tanda ko yun, co MVP sila ni menk, tapos nung trinade na naman sya sa barako bull, ayun na. ayoko na.  ayoko nang maginvest ng oras at emosyon sa PBA, at sa SMC. lalo na nung umupo si Noli Eala.  ginebra pa din ako, paminsan minsan na lang.

sasabihin ng iba kong kakialang gin die hards, “ayyyy di ka pala die hard!”

easy muna mga tol. nagbago na kasi lahat, pamamalakad ng liga, pagpapatakbo ng mga koponan, pati mga players. wala na yung laro para sa mga fans, anjan na ang usaping bentahan ng laro, pampadami ng kita. anjan na yung usapang under the table, mga kontrahan sa SMC at MVP sa pagbuo ng national team, inuuna na talaga ang kita, hindi na yung kapakanan ng fans, at ng estado ng basketball sa atin.

Hindi ko to sinasabi dahil natalo tayong muli kanina .minsan nga para nang hindi pagkatalo yun kasi, parehong kumpanya lang naman ang San Mig at Ginebra, asan pa rivalry dun? ang akin lang, maaaring ndi na nga maibabalik ang Ginebra na minahal ko mula pagkabata maski ilang bisita ni jawo sa locker room para magpangaral. pero Ginebra pa din ako dahil kahit kailan kahit san lupalop ako mapapadpad ay bitbit ko habang buhay, ang pagmamahal ko sa laro ng basketball dahil minsan, natutunan kong bigkasin  ang pangalan ni Jaworski, at nakita ko ang saya ng paglalaro ng basketball, nung minsang nanunuod ako sa isang lumang black and white na TV habang ang buong bansa ay sumisigaw ng …. GINEBRA! GINEBRA! GINEBRA!

NEVER SAY DIE.

Image

 

 

 

 

Advertisements